June 23, 2022
Matapos ang tatlong taon ay ibabalik na muli ang tradisyonal na basaan at water motorcade sa pagdiriwang ng Wattah Wattah Festival sa San Juan City. Ito ang kinumpirma ni San Juan City Mayor Francis Zamora kasabay ng paglalatag nito ng mga aktibidades sa kapistahan sa June 24. Matagal nang tradisyon ng mga taga-San Juan ang basaan sa araw ng kapistahan ng kanilang patron na si San Juan Bautista na pinaniniwalaang sumisimbolo sa pagbibinyag bilang Kristiyano. Bukod naman sa basaan, magkakaroon din ng streetdancing competition, libreng concert, fireworks display, at prusisyon bilang pagdiriwang sa pista. Kasunod nito, nag-abiso na ang LGU sa mga motorista na pansamantalng isasara ang Pinaglabanan Street mula sa N. Domingo hanggang sa P. Guevarra sa June 24, mula alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-6 ng gabi sa June 24.
Patuloy ring pinaalalahanan ang mga residente na sumunod sa mga health and safety protocols sa ilalim ng Alert Level 1 gaya ng pagsusuot ng face mask.