October 12, 2022 Namahagi si San Juan Mayor Francis Zamora ng P3,000 cash at health kits sa mga guro sa lungsod bilang pagdiriwang ng World Teachers’ Day. Nakinabang sa nasabing benepisyong ikinasa ni Zamora ang 636 na guro at iba pang school personnel mula sa 13 public schools sa San Juan. Sa programang ginanap sa San Juan Gym, binigyan din ng libreng flu vaccines ang mga public school teachers at health kits na kinabibilangan ng dalawang galon ng alcohol, face mask, spray bottle, oximeter, vitamin C, infrared forehead thermometer at nasal spray. Sinamahan din ni Zamora ang mga nasabing guro sa isang pananghalian na aniya’y maliit na paraan ng pasasalamat sa mga guro na nagsasakripisyo para lamang makapagbigay ng de kalidad na edukasyon sa mga kabataan ng San Juan. Tiniyak ni Zamora na patuloy silang magbibigay sa mga guro ng mga kinakailangang gamit para maging madali sa kanila ang pagtuturo na aniya’y pinabigat ng pandemya. Kasabay nito, ipinabatid ni Zamora na sa susunod na buwan, lahat ng mga silid aralan sa public schools sa lungsod ay lalagyan ng 55 inch Smart TV na mayruong WiFi at fiber optic internet connection na siya ring ipinakabit nila sa halos 7,000 bahay ng estudyante sa pampublikong paaralan.