SAN JUAN CITY NEWS

ISA NA NAMANG BAGONG PROGRAMANG PANGKALIKASAN ANG INILUNSAD SA SAN JUAN

November 04, 2022

Pinangunahan po natin katuwang ang Greenpeace Philippines at Impact Hub Manila ang paglulunsad ng 'Kuha sa Tingi' na isang programang pangkalikasan ng ating lungsod.

Layunin ng programang ito ang mabigyan ng solusyon ang plastic pollution na itinuturing na ngayong isang krisis pangkalikasan.

Ang 'Kuha sa Tingi' ay higit pa po sa pag re-use o recycle ng plastic bagkus target nito ang mahinto na ang paggamit ng single-use plastics. Ang konsepto ng 'Kuha sa Tingi' ay naka-angkla sa isang nakagawian nating mga Pilipino—ang pamimili ng tingi-tingi lalo na po sa mga pang-araw-araw nating konsumo.

Kaya naman kasama ang mga tagapagtaguyod ng programang 'Kuha sa Tingi', tayo po ay pumili ng 10 tindahan sa San Juan para maging 'Refilling Station' na magbebenta ng tinging mga produktong gaya ng shampoo, dishwashing liquid, liquid detergent, at fabric conditioner na hindi nakalagay sa mga sachet, sa halip ang mga ito ay ilalagay sa mga container na dadalhin po natin sa ating pagbili sa mga piling tindahan.

Maaaring manibago tayo sa umpisa ngunit sa kalaunan ay tayo po mismo at maging ang susunod na henerasyon ang makikinabang sa malaking benepisyo ng pagsugpo sa plastic pollution.

Kaya naman lubos po tayong nagpapasalamat sa Greenpeace Philippines at Impact Hub Manila sa kanilang pagpili sa San Juan bilang unang LGU sa Pilipinas na naglunsad ng 'Kuha sa Tingi'.

Muli po ay hinihikayat ko ang ating mga minamahal na San Juaneño na suportahan po natin ang programang 'Kuha sa Tingi' gaya ng inyong naging mainit na pagsuporta sa ating iba pang programang pangkalikasan.

Maraming salamat po!

Panoorin ang video rito ??

https://fb.watch/gABIzaXauc/