July 21, 2021 Pagkatanggap po natin ng J&J 'one-shot' vaccines ay agad tayong nag-rollout para maibakuna ito sa ating mga A2 (senior citizens) at A3 (person with comorbidities) priority groups. Sila po ang ating binigyan prayoridad para sa 'one-shot' vaccine ng J&J dahil na rin sa kalagayan ng kanilang kalusugan. Para sa isang turukan lamang ay makukuha na nila ng kumpleto ang proteksyon ng bakuna laban sa COVID-19. Sa tulong ng J&J, mas mabilis na nating maaabot ang ating target dahil hindi na nila kailangan ng second dose. Sa kabuuan ay nakatanggap tayo ng 2,800 doses ng J&J na bakuna mula sa 1.6 million doses na donasyon sa Pilipinas ng bansang Amerika na pinadaan naman sa COVAX. Ang COVAX ay isang pandaigdigang inisyatibo kung saan ang ibat-ibang gobyerno sa mundo, global health organizations, manufacturers, scientists, private sector, civil society groups at mga pilantropo ay nagsama-sama para sa layuning mabigyan ng pantay-pantay na access sa bakuna ng COVID-19 ang lahat ng bansa, lalo na ang mga bansang mahihirap. Sa ngayon ang pagbabakuna po ang ating pandaigdigang solusyon sa pandemya ng COVID-19. Kaya naman ang lahat ng gobyerno sa mundo ay nagsusumikap para matiyak na ang mga tao sa lahat ng sulok ng mundo ay makakakuha ng mga bakuna para sa COVID-19. At ganun din po ang layunin natin sa San Juan, kaya naman ang bawat barangay at sambahayan sa lungsod ay ating inaabot para mabakunahan ang mga San Juaneño, upang tayo pong lahat ay maging protektado. Lalo pa nga at may naglalabasang ibat-ibang variants, gaya ng mas nakakahawang Delta variant. Kaya muli po, ay ating hinihikayat ang mga hindi pa bakunadong San Juaneño na magpabakuna na po tayo para maiwasan natin ang sinasabing 'pandemic of the unvaccinated' na nangyayari sa ibang bansa ngayon. Sa mga bakunado na, patuloy pa rin po tayong sumunod sa mga minimum health and safety protocols at palagi pa rin po nating pag-ingatan ang ating sarili, pamilya at komunidad. Watch video here: https://www.facebook.com/MayorFrancisZamora/videos/831791561043289