ISA NA NAMANG HIGH RISE IN-CITY PUBLIC HOUSING ANG ITATAYO PARA SA MGA SAN JUANEÑO


July 17, 2021

Isa na naman po itong katuparan ng ating misyon para sa mga mamamayan ng San Juan, ang magkaroon ng kanilang sariling tahanan dito mismo sa ating lungsod, dahil ang mga San Juaneño ay dapat lamang manatili dito, malapit sa kanilang mga hanapbuhay at malapit sa mga paaralan ng kanilang mga anak, ito ang tunay na Makabagong San Juan. Iyan po ang pangako at pangarap namin ni @Congressman Ronny Zamora at ng inyo pong lingkod simula pa noon.

Kaya naman po pinagsumikapan naming mag-ama, sa pangunguna ng ating Congressional District Office na pinamumunuan ni Atty. Bel Zamora at sa pakikipagtulungan ng National Housing Authority na tayo ay makapag-ground breaking para sa isa na namang high rise in-city public housing kahit na tayo ay nasa gitna pa rin ng pandemya. 

Ang 23-storey na pabahay na ito ay ating itatayo sa lupang may kabuuang sukat na 2,624 metro kwadrado sa F. Manalo Street, Barangay Batis. Ito po ay magkakaroon ng 549 residential units kung saan ang bawat isa ay may sukat na 28 metro kwadrado. Mayroon din itong magiging 11 commercial units at parking areas para sa mga kotse at motorsiklo, pati na rin ang mga amenities gaya ng multi-purpose room. Ang atin pong itatayo ay hindi pangkaraniwang low-cost housing project, bagkus ito ay gaya ng mga modernong condominium building.

Kaya naman lubos ang ating pasasalamat kay NHA General Manager Marcelino Escalada dahil 2019 pa lamang po ay pinahalagahan at binigyan niya na ng buong suporta ang ating mga programang pabahay para sa mga San Juaneño. Sa katunayan nga ay ito na ang ating ikalawang groundbreaking sa ilalim ng pamumuno ni GM Escalada, dahil kung inyong matatandaan, bago pa man sumapit ang ika-100 days ng administrasyon ng ating Makabagong San Juan, ay nag-groundbreaking tayo ng kauna-unahang high rise in-city public housing dito sa San Juan na itinuring ding pinakaunang high rise in-city public housing sa Pilipinas. 

Isa pong malaking karangalan natin na ang San Juan ang naging susi at modelo ng NHA para matupad ang pangarap ng ating pamahalaang nasyunal na magkaroon ng in-city onsite high rise public housing sa ating bansa.

Sa lahat po ng naniwala at nakiisa sa aking pangarap na marangal, disente at modernong pabahay para sa aking mga minamahal na San Juaneno, maraming salamat po sa inyo.