IKA-3 VACCINATION SITE NG SAN JUAN SA VMALL GREENHILLS BINUKSAN NA


July 19, 2021


Inilunsad natin ngayon araw ang ikatlong vaccination site sa 3rd floor ng VMall Greenhills. Ito ay tinatayang kayang makapagbakuna ng karagdagang 1,000 San Juaneño.

Kaya sa kabuaan, ang ating tatlong vaccination sites - FilOil FlyingV Center, Theatre Mall Cinema 1 & 2 at itong VMall ay aabot sa 5,000 ang ating mababakunahan araw-araw. 

Ito ay bahagi ng ating pagpapalawak ng pagbabakuna sa San Juan, hindi lamang para sa ating mga residente ngunit maging sa mga nagtatrabaho sa San Juan na kabilang sa ating day time population na nakakasalamuha ng San Juaneño kaya't kailangan din natin silang mapabakunahan.

Bahagi rin ito ng ating binitiwang pangako sa IATF lalo na kila Sec. Duque, Sec. Dizon at Sec. Roque na hindi po tayo titigil sa 70% target population lamang na atin ng naabot noong nakaraang linggo. Bagkus magpapatuloy po tayong magbakuna hanggat maabot nating maturukan ng second dose ang lahat para sa herd immunity ng San Juan bago matapos ang Agosto. 

At kahit na maabot pa natin ang herd immunity ay magpapatuloy pa rin tayo sa ating kampanya ng pagbabakuna hanggat ang lahat ng kwalipikadong San Juaneño ay ating mabakunahan, maging ang pagtulong sa karatig-lungsod ay handa tayo hanggat patuloy tayong may supply ng bakuna. 

Sa lahat ng San Juaneño at mga A4 non-residents ng San Juan, hinihikayat po namin kayong magpabakuna na, dahil ito po ang ating matibay na panlaban sa COVID-19, lalo na nga at may ibat-ibang variants na, gaya ng mas nakakahawang Delta variant. Ang bawat bakunang naituturok ay nangangahulugan hindi lamang ng proteksyon sa sarili ngunit ito rin ay hakbang tungo sa ikatatagumpay ng laban natin sa pandemyang ito.


SAN JUAN VACCINATION REGISTRATION LINK: https://bit.ly/39Bi7ri