SAN JUAN CITY VACCINATION INCENTIVE PROGRAM (VIP) PARA SA MGA BAKUNADO, INILUNSAD NA


June 1, 2021

Ang ating Pamahalaang Lungsod ng San Juan sa pakikipagtulungan ng mga ibat-ibang business establishments sa Greenhills Shopping Center ay umarangkada na sa pagbibigay ng insentibo at espesyal na pribilehiyo sa sinumang bakunado na, hindi lamang sa mga San Juaneno resident ngunit maging sa mga residente ng ibang lungsod at probinsya.


Ipapakita lamang po ninyo ang inyong vaccination card sa anumang establiyemento sa Greenhills Shopping Center na may nakapaskil na sticker ng ating programang VIP.


Ang insentibo ay maaaring special price discounts o freebies mula sa mga kasaping establisyemento gaya ng restaurants at iba pa.

Ito po ang ating "Win-Win" initiative para sa mga negosyong sumusuporta sa ating vaccination program at sa mga mamamayan nating nakikiisa sa kampanya ng ating gobyerno sa malawakang pagbabakuna para makamit natin sa lungsod ang herd immunity laban sa COVID-19.

Kaya naman po hinihikayat natin ang ating mga business establishments sa San Juan na makilahok sa ating Vaccination Incentive Program (VIP) 'Special Privilege' para matulungan po namin po kayong pasiglahin muli ang pagtangkilik sa inyong negosyo sa ating lungsod. Ganun din po, patuloy po nating hinihikayat ang ating mga kababayan na magpakuna na po tayo, para protektado na kayo, may espesyal na pribilehiyo pa po kayo sa San Juan.


Para sa mga establisyementong interesadong maging VIP, mag-register lamang po kayo sa ating Business Permit and Licensing Office (BPLO) sa teleponong 7655-0747 o magtungo sa kanilang opisina sa Upper Ground Floor ng ating San Juan City Hall.

Para sa mga bakunadong San Juaneno at Pilipino, tara na po sa Greenhills Shopping Center para maranasan ang VIP treatment sa aming lungsod.

Sa ating pagsasama-sama, lahat ay ating kakayanin, sa gitna man ng pandemya. Kaya sama na po kayo sa amin at maging VIP na ng San Juan!